Saturday, December 14, 2013





Ang Harana ay isang lumang tradisyon sa Pilipinas na kung saan ang lalaki ay pupunta sa bahay ng babaeng mahal niya at aawitan pagsapit ng gabi. Kadalasan habang kumakanta ang lalaki, ang mga kaibigan niya ang tumutugtog para sa kanya. Kapag ayaw ng babae sa lalaki ay isasara niya ang bintana o bibihusan ng kung ano ano at kung payag ang babae ay baba ito mula sa taas ng bahay at sasamahan ang lalaki.

Isa sa mga kantang pang harana na sumikat ay ang Ay Kalisud, Ikaw Ay Akin at ang pinakapaborito ko ay ang Bituing Marikit. Ang mga nilalaman ng mga kantang ito ay kung ano ang nararamdaman nila sa tuwing kasama nila ang kanilang mahal, at ang mithiing makasama siya habang buhay. Ang mga kantang ito ay tinatawag na Kundiman. Ang kundiman ay mga kantang tungkol sa pagibig o Love songs sa ingles. Ang kundiman din ay parang classical music kung ikukumpara sa ibang bansa dahil sa lebel ng musika nito. Matataas at malalawak ang mga rango ng kanta ng kundiman na hindi basta basta makakanta ng kung sino sino man. Isang paligsahan kada taon sa CCP o Cultural Center of the Philippines ay may mga kompetisyon sa pagkanta ng Kundiman, ang tawag dito ay NAMCYA o National Music Competition for Young Artist. Itong kompetisyon na ito ay isang programa na nagbibigay buhay sa mga sinaunang musika at sayaw noong mga panahon ng mga kastila na ngayon ay halos kaunti na lang ang nakakaalam.



Ngayon, ang harana ay kinalimutan na ng maraming tao. Bilang isang estudyante at musikero, hindi dapat hinahayaang mahinto ang mga ganitong tradisyon dahil ito ay isa sa pinagmamalaki natin bilang mga pinoy. Ito ay turo sa atin ng ating mga ninuno at dapat natin itong ipagpatuloy.